Bakit ba kasi ang mistipikadong gamot sa lahat ng sakit ng edukasyon sa bansang ito ay baguhin lagi ang kurikulum? Sasagutin ko ito mamaya. Kaunting pasakalye lang muna.
Kapapanood ko lang noong isang araw sa mahigit dalawang oras na public hearing on the Proposed Policies, Standards, and Guidelines for the Reframed General Education Curriculum ng Commission on Higher Education o CHED. Maraming dumalo online. Inabot nang libo. Sizable number. Public na nga marahil maituturing itong bilang ng nagsidalo.
Pero ‘yung “hearing” aspect ng public hearing ang mas nakakabahala. Desidido na ang ahensiya na i-rollout ang “reframed” na kurikulum. Pilot testing sa ilang piling teacher education institution ngayong papasok na academic year, full implementation sa susunod na taon, regardless kung anuman ang kalalabasan ng pilot testing.
Sa nangyaring public hearing, tinalakay ang konteksto at mithiin ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 kaya nagbalangkas ang CHED ng bagong Reframed General Education Curriculum sa kolehiyo kapalit ng walong naunang general education curriculum na nagsimulang ipatupad noong 2018, namely:
Iyan ang bumubuo ng core general education subjects sa mga kolehiyo at unibersidad sa bansa. Ibig sabihin, anuman ang kursong kinuha sa ilalim man ng agham o humanidades, kukuhanin ang siyam na subjects na iyan. Obligado.
Bahagi iyan ng prinsipyong ang dapat na nagtamo ng diploma sa kolehiyo ay may kaalaman sa sining, etika, pag-unawa sa sarili, kasaysayan, pakikipagtalastasan, matematika, agham na nakalapat sa sitwasyon ng kasalukuyan, at ang kontemporanyong mundo. Dahil holistiko naman dapat ang edukasyong bunsod ng pamantasan. Sana.
Samantala, sa Reframed General Education Curriculum, ang orihinal na siyam ay magiging anim na subjects na lamang:
Minimithi ng “reframed” general education curriculum ang “complete Filipino professional” na, ayon sa pasimuno ng pulong na si Dr. Edizon Fermin ng National Teachers College, ay dapat na “technically brilliant, socially responsible, ang ethically grounded.” Sa madaling salita ay hindi parang mga congressman at senador natin ngayon.
Sa loob ng mahigit na dalawang oras ng “public hearing,” ang isa’t kalahati dito ay itinuon sa pagbabasa ng PowerPoint presentation ng nagbalangkas ng curriculum. Bukod sa konteksto sa pagbuo, binasa ang mga course description, ang obligadong rollout, ang kalipikasyon ng magtuturo, at ang matrix ng alignment ng mga madedespatsang guro.
Sa loob ng 30 minuto, hinayaang magkomento at magtanong ang mga dumalo. Masasabi ko bang may epekto sa bagong curriculum ang hearing? Wala. Buo na ang pasiya. Minadaling tapusin ang hearing sa ganap na 4 pm. Ang makabuluhang usapin ng kinabukasan ng bansa batay sa edukasyon, pati na ang kabuhayan at kinabukasan ng mga guro at propesor, natapos dahil 4 pm na.
Kasabay ng pagbabago ng kurikulum sa kolehiyo ang hindi matapos-tapos na pagbabago ng kurikulum sa batayang antas ng pag-aaral. Sa bansang dahop sa pondo para sa edukasyon, ang lagi na lang tugon ay magbago ng kurikulum. Tila bawat politiko at bata ng politikong iluluklok sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at CHED ay nais mag-iwan ng kani-kanilang bakas gamit ang pinakamadaling solusyon sa edukasyon — ang kurikulum.
Madaling baguhin at ipatupad ang bagong kurikulum, gamitan man iyan ng euphemism na “reframed” o “strengthened.” Salita at patakaran lang ang kurikulum, walang malaking perang involved gaya ng mga proyektong pang-flood control at pansuweldo sa senador na AWOL. Sa isang bansang ang sektor ng edukasyon ay nakatuon sa tahasang pagsunod sa polisiya mula sa itaas nang hindi ito kinukuwestiyon, tiyak na mairo-rollout ang kahit anong cool-sounding nomenclature of a subject at curriculum title. Ano ba naman ang mahirap sa re-tooling ng mga able-bodied na guro? Ano ba namang pagretiruhin agad ang mga ayaw sumunod? Ano ba namang markahan ang gurong hindi aligned para magturo ng bagong subjects? Ang mahalaga, tila may solusyon sa systemic educational decay ng bansang ito.
Idagdag pa ang pagbawas sa mga subject na maghihikayat sana upang maging kritikal at mapanuri ang mag-aaral — gaya ng Ethics, Understanding the Self, Art Appreciation, Readings in Philippine History — kapalit ang mga subject na maghahanda sa kanila para maging turnilyo ng makina ng kapital. Sino ba ang makikinabang kung tuluyang magiging hungkag at desensitized ang paparating na henerasyon?
Dagdag pa rito ang hindi magkandatutong mga guro sa high school at senior high school dahil sa bagong patakaran at polisiya ng DepEd. Panibagong pagharap sa matagalang learning curve, at bago pa maging kampante, sigurado, babaguhin uli ang kurikulum para sa panibagong round ng mistulang solusyon sa malalim na problema ng edukasyon.
Siyempre, hindi seamless ang transition kahit pa may sinabing pilot testing. Bago pa lamang natutuhan ang subject na sana, por dios por santo, ay may reference na o batayang aklat ng kung sinong titibang supplier, ay babaguhin na naman batay sa kung ilang taong pag-iipon ng datos ng kapalpakan.
Nakikinita ko na, dahil sa takot ng ibang unibersidad mawalan ng basbas ng CHED: magkukulang ang guro, pagtuturuin ang pobre at walang sapat na training na gurong hindi naman sinanay magturo ng “Data, Evidence, and Ethics in a Knowledge Society” o DEEKS, whatever. Hindi pa nakalapat ang leksiyon sa oras dahil hindi pa nababalangkas nang husto ang subject. Bago ang assessment tools, bago ang output na hinugot kung saang free-to-download source.
Ang resulta, balik sa drawing board ang mga academic title affix-laden foreign trained consultants pagkatapos ng isa o dalawang taong tigmak ng problema ang pinilit isalang na kurikulum. Walang aaming may pagkakamali (also, hindi uso ang nagkakamali sa mga nasa top management ng pampublikong ahensiya sa bansang ito!). Ang solusyon sa problemang nakita? Tama, madali lang: bagong kurikulum. At dahil nagamit na ang “Reframed” at “Strengthened” at ang awkward at ever ironic na “Matatag” bilang pang-uri sa bagong kurikulum, I suggest: “New and Improved Curriculum with Taurine and Vitamin B Complex for Resistensya Builders of the Future Generation.”
Ngayon, ito mismo ang sagot ko sa tanong na bakit ba kasi ang mistipikadong gamot sa lahat ng sakit ng edukasyon sa bansang ito ay baguhin lagi ang kurikulum? Dahil ito ang pinakamatipid. Sa pagbabago ng kurikulum, tila may aksyon dahil maingay. Tila may solusyon sa mas malalim na problema ng sektor.
Bakit hindi dagdag na budget para sa gamit at impraestraktura? Bakit hindi dagdag na suweldo at pagpapagaan sa trabaho ng mga guro? Bakit hindi makinig sa mga nasa ibaba at laylayan ng burukrasya? Bakit rigid at bingi ang sistema sa puna at opinyon? Bakit hindi pagtutok sa mga batayang suliranin muna?
Kapag natugunan na ang lahat ng iyan at may suliranin pa rin, saka ninyo balikan dahil baka nga kailangan ng bagong kurikulum.
Pero bakit ba ako aasa pang may makikinig sa kanila? – Rappler.com
Propesor ng seminar in new media, writing for new media, at creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Kasalukuyan siyang chairperson ng UST Department of Creative Writing. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.


